Dahil na rin sa napaka-ineteresanteng tema nito, di ko napigilan ang sarili na magbasa kahit pa habang binabaybay ng bus na sinasakyan ko ang EDSA. Sadyang nakakatawa ngunit di ko rin maitatangging napapadalawang-isip ako sa mga punto ni Vladimir. Oo nga naman, may punto talaga si Vladimir.
Sa wakas nakarating na din sa paroroonan kaya naman oras na ulit para sambitin ang, “itutuloy . . .” Natapos ang aking araw, balik-bahay na ulit. Pagkatapos maghapunan, sugod na agad sa loob ng kwarto upang mabasa ang libro ni Atalia.
Habang binabasa ko iyon, hindi ko maiwaglit ang sadyang pagkakapareho nila ni Ong. Estilong kwentong kalye. Ngunit, sa kalaunan, napagtanto ko ang konting pagkakaiba nila. Si Atalia ay may mga banat na sadyang malaman. Yun bang malalim ang ibig sabihin ngunit sa madaling pananalita nya ito iprenesinta. Hindi ko sinasabing walang lalim si Ong. Mayroon din naman syang kalaliman, ngunit mas payak lamang (me ganun?).
Isa pa sa kanilang pagkakaiba ay, karamihan sa libro ni Ong ay parang pinag-isang libro ng maraming kwento. Samantalang ang kay Atalia, naka-focus lamang ito sa iisang kwento. Ang paglalakbay, opinyon, pagninilaynilay at karanasan ni Vladimir patungo sa pagkakaroon ng trabaho.
Maraming malalamang salita ang binitawan ni Atalia sa kanyang libro. Ngunit, may ilang tumatak sa aking isipan. Yun bang hindi na maiwaglit sa isipan ko. Gaya na lamang ng pagkukwento nya tungkol sa kanyang opinyon kung ba’t hindi na lamang ang mga sindikato ang mamuno sa bansa. Aaminin ko, napaisip ako ng kanyang ibinigay ang kanyang mga punto.
Di ko rin makalimutan yung magagarang pamumuhay ng mga mayayaman gayong marami sana silang natulungan imbes na ilagok nila ang kanilang yaman sa pagkaing masyadong mahal. Oo nga naman, isang kapiranggot na order sa halagang di makatarungan kung susuriin. Napaisip tuloy ako at naihambing ko iyon sa mga taong mahilig mamili ng mga bag, sapatos at kung anu-ano pang gamit na ang mga presyo ay sadyang nakakahilo sa sobrang kamahalan. Kung sana lang naisip man lang sana ng mga taong iyon kung ga’no karami ang naghihirap sa buong mundo.
Nakakalungkot nga naman kasi kung iisipin na habang ang karamihan sa atin ay naghihingalo sa estado ng kahirapan, may iilang di yata alam kung pano gagastusin ang kanilang kayamanan na ang napagdedeskitahan ay ang mga designer's bags, shoes, clothes. Nakakaloka kung tutuusin. Kung sana lang ay iniisip nila kung ilang tao ang maaring makakain sa halaga ng mga gamit na kanilang bibilhin. Marahil, siguro, nabago ang kanilang pag-iisip. Ngunit, subalit, hindi sila marunong mag-isip, at wala na tayong magagawa doon.
Sa kabilang dako, napaisip din ako sa puntong, kahit pa iba ang kurso ni Vladimir ay napunta sya sa isang trabahong masyadong malayo sa kursong tinapos nya. Oo nga naman, ito ang realidad ng buhay. Sa loob ng apat na taon mong pag-aaral/pagsasanay sa napiling kurso, iilan lang ang nakakapasok ng trabaho na naaayon sa kursong tinapos. Buhay nga naman. Ang lupet! Pero ayos lang, sabi nga, sa panahon nga naman ngayon, wala nang dapat pang mag-inarte. Nararapat lang na magpasalamat kapag ikaw ay nakakuha ng trabaho, di bale nang naaayon ito sa kursong natapos o hindi.
Di ko maipagkakailang naka-relate ako sa buhay ni Vladimir o mas mabuti atang sabihin kong, naramdaman ko ang mga puntong ipinupunto ni Vladimir. Sadyang may punto nga naman kasi.
Sa kabuuan, wala akong ibang masasabi kundi, astig si Atalia. Nailarawan nya ang buhay ng isang ordinaryong tao na ang tanging hangad ay magkatrabaho at maging “may silbi” sa lipunan. Nailarawan din n’ya ang isang taong may pakialam sa bansang sinilangan n’ya.
Sa aking pansariling pagmumuni-muni, base na rin sa libro ni Atalia, isang buwan nalang halos at ilang libong mag-aaral na naman ang magtatapos. Oo nga naman, sa dinami-rami nila na wala pang karanasan sa kahit na anong trabaho [iyon nga naman kasi ang mas pinapaburan ng mga nakararaming kumpanya], saan kaya sila pupulutin?
Tanong: Saan nga kaya ako makakabili ng unang libro ni Atalia? Interesado kasi akong basahin yun kaya lamang ay wala akong makita sa bookstore. Marapat lamang na ako’y inyong sabihan kung may alam kayong maaari kong pagbilhan. Salamat po!